Monday, August 9, 2010
Too Much Love Will Kill You By Jovit Baldivino - Official Music Video
i love this song..congrats jovit for the accomplishment..it really reminds me of HIM...too much love will kill me if i will not let you go...sayonara sayo "bac".. hoping that we will not see again, our paths shouldn't be cross again,. i heart you but this is better.. i have my own life now en i dont want to hurt my NOW..your my past and i'm so sorry to have a mark in your life...
Ang Paghanga ko Kay PNoy
-Pangulo Benigno Simeon Cojuangco Aquino III
Nagkamali ako sa pinili kong kandidato para sa pagkapangulo. Ang buong akala ko’y siya ang susi sa matagal na pagkakadena ng bayang ito, buti na lang at kinulang ng puntos ang kanyang hinahangad na rurok ng tagumpay.
Iilan lamang ang mga taong nakakaantig ng puso’t isipan sa mga diskursong aking nasaksihan. Sa bawat bigkas niya parang ako’y kabilang sa mga alon sa dagat na sumasabay sa paghampas sa pampang, pati ang pagdausdos ng mga buhangin sa kailaliman. Ito’y malaking simbolo ng matatag at malinaw na pagtayo sa rostrum. Nabuhay ang aking dugo sa pagsulat na matagal na hindi dumaloy sa aking mga kamay. Naglakbay ang aking isipan at nagkaroon ulit ng pagnanasang ako’y muling magsulat.
Mula nang igawad sa kanya ang pinakamataas na antas ng responsibilidad sa bayan, sinubaybayan ko na sa telibisyon. Wala man ako sa Quirino Granstand sa mga sandaling iyon, masugid ko namang sinubaybayan ang bawat puntong inihatid ng medya. Libu-libong Pilipino ang dumalo at sumaksi sa isang makasaysayang pangyayari ng bansa. Dama ko ang tension, pagkasabik at paghanga sa mga sandaling iyon. Kasing linaw ng mga sariwang tubig sa balon na makikita mo pa ang puwing sa iyong mga mata ang mga salitang binitiwan ng Pangulo sa kanyang panunumpa. Sa isang ordinaryong taong tulad ko ay naipamalas niya ang mga puntong gusyo niyang iparating. Habang pinapanood at pinakikinggan ang bawat mensaheng kanyang nais iparating ay sumasabay ang aking isip sa pag-aanalisa ng mga bagay-bagay. Magulo man sa umpisa, ito’y aking unti-unting naintindihan kinalaunan. Tama nga siya! Nakuha niya ang aking simpatya ng buong buo. Ako, sampu ng mga taong naniniwala sa kanya ay namulat sa baluktot at madilim na pamumuno. Ang munting isla ay parang isang saranggolang lumilipad ngunit walang patutunguhan na kung naglaon mapapagod din at unti-unting rurupok ang tali at babagsak ng tuluyan. Sa haba ng panahong pinasan ni Juan ang epidemyang dulot ng mga tiwaling bantay, ito na ang tamang panahon upang tayo’y gumising sa bangungot ng katiwalian.
Nanlumo ako sa ibinunyag ng ating Pangulo sa di kanais-nais na paglustay sa kaban ng bayan. Ang mga dating opisyal ng pamahalaan na iniluklok ng masa sa pwesto ay maituturing na gahaman sa yaman at kapangyarihan. Matagal tayong nabulag sa pagkukunwari at pagkalinlang. Bakit naatim ng mga taong ito na pahirapan ang kanilang kapwa-Pilipino? Wala ba kayong hiya? Sadyang makapal ang inyong mga mukha! Ang pulong ito ay nagmistulang halamanan ng rosas. Kahalihalina, mabango, sariwa at dalisay sa paningin, oh kay gandang bulaklak! Ngunit sa kabila nito, hindi ko pa rin tanggap ang kagandahan ng halaman. Dahil sa kabila ng mga katangian meron ang bulaklak, ang mga dahon nito’y unti-unting nalulustay at naaagnas, kalauna’y tangkay na lamang ang matitira. Kawawang halaman, muli ito’y magsisikap bumangon subalit pag-umusbong ulit ang kanyang mga dahon ganun ulit ang kahihinatnan. Ang pagbagsak ng halaman ay dahil sa mga nagkalat na mga malalaking uod, mga berdeng uod na umaaabot sa isang pulgada o mas malaki pa na sa ulo nito’y may nakausling parang mga sungay. Sila ang dahilan sa pagbagsak at pagkaubos ng mga dahon. Ganito ang nangyayari sa ating bansa, kapares niya ang rosas. Mayaman ang likas-yaman, kahalihalinang tirhan ngunit marami ang mga taong ganid sa yaman at kapangyarihan kung kayat hindi umuunlad. Kasuklam-suklam!
Isa sa tumatak na nabanggit ni PNoy sa kanyang SONA ay ang anomalya sa NFA. Labis-labis pala ang supplay ng bigas mula sa pag-aangkat sa ibang bansa subalit sa tulad naming isang kahid isang tuka hindi namin naramdaman ang tulong mula sa inyo sapagakt sa mga taong un, kulang ang supplay ng bigas dito sa amin. Pinipilahan ang pagbili subalit limitado lamang ang mabibili, kung baga may kuta. Buti pa ang mga daga sa kamalig busog sa bigas kesa kay Juan. Nakakalungkot isipin na ang saku-sakong bigas na para sa bayan ay nabulok lamang sa kamalig ng mga may upuan.
Simula ng ako’y nagkamulat at nagkaroon ng isip, ni minsan ay hindi ako umasa, nagkaroon ng tiwala at kumpyansa sa pamahalaan. Tumatak sa isip ko ang pagkamuhi sa mga opisyal lalo’t sila’y pawang mga nakamaskara at nagtatanghal sa entablado ng kasinungalingan. Awa ang nadarama ko sa bawat Pilipinong pumapalakpak sa mga pagpapasikat at pagmamagaling ng mga taong ito. Hindi ko naman nilalahat ngunit sadyang mas malakas ang impluwensya ng mga may maitim na budhi kesa sa may malinis na mithiin. Ito’y maikukumpara sa sumisingaw na basura sa Payatas. Lantad ang marumi, naaagnas at nabubulok na basura kasabay ang pagsingaw ng nakakalasong hangin pero ito’y ‘di pinapansin at ‘di kinokondena. Takot na maalis sa pwesto at mawalan ng kapangyarihan at yaman, ito ang nasa likod ng pagtikom ng kanilang mga bibig, pagiging bingi at pagtalikod sa katotohanan. Hindi ito mangyayari kung ang nasa taas ay isang magandang ehemplo.
Kailan kaya babangon ang bayang ito sa pagkakadapa? Magagaling ang mga Pilipino, may mga tagong talento, marunong at masipag ngunit karamihan sa kanila’y nasa ibang bansa ‘pagkat wala silang puwang sa bayang ito. Mabuti pa sa ibang bansa pinahahalagahan sila kesa dito na walang mararating. Ang ating mga Nars, skilled workers, mga enhenyero, nasaan sila ngayon? Nasa ibang bansa, nakikipagsapalaran. Doo’y may ginhawa, doo’y may pagbabago sa kanilang buhay at may karera. Hindi mo yan makikita dito. Kagaya ko na lamang nakalima na akong trabaho, puro kontraktwal. Pagkatapos ng limang buwan, tapos na naman. Nawawalan na ako ng pag-asa. Pag-ako’y nagkapamilya, sapat ba ang masasahod ko kong hindi ko makamit ang regular na trabaho? Kagaya na lamang ng pagkakaospital ko, ni hindi ko nagamit ang aking Philhealth pagkat ito’y hindi kasama sa benipisyo sa pagiging kontraktwal. Magalit man ako wala ding patutunguhan. Ngayon, isa ako sa mga milyo-milyong tambay. Ako rin ay may ibubuga, nakatapos ng kolehiyo sa isang unibersidad at mataas ang marka, sa murang eded ay naipasa ang Civil Service Professional Exam. Laking galak ko nung makamit ko ang tagumpay na ito sapagkat malaki daw ang tyansa ko na makapasok sa gobyerno ngunit un pala ay pawang mga sabi-sabi lamang. Pursigido ako sa pag-aaplay. Halos lahat ng ahensya at departamento ay naipasa ko na ang aking resume ngunit hanggang ngayon ni isang tawag ay wala. Nakakalungkot. Nakakapanghinayang.
Bumitaw na ako sa pag-asang mapabilang sa malaking tao na tinatawag nilang “gobyerno”. Kawalan ng kapit at kakilala ang isa sa mga rason kung bakit marami pa rin ang tulad ko na walang puwang at trabaho. Hindi na rin ako umaasa. Ngayon, ang mata ko’y hindi na sa aking bakuran nakamulat ngunit dun sa kabilang bakuran kung saan hindi ko kauri ang aking makakasalamuha.
Hindi ito ang kahihinatnan ng lahat kung ang mga malalaking tao ay ginagampanang mabuti ang kanilang mga tungkulin at nagsisilbi sa bayan ng malinis at buong-dangal. Ang kanyang galamay pati ang mga tagasunod ay mahihiyang gumawa ng mahika kung ang lider ay nasa tama. Tingnan natin ang mga bata, ang ating mga anak. Kung ano ang ugali, gawa, salita at kilos na nakikita niya sa kanyang mga magulang ay kanyang tinutularan. Isang magandang halimbawa ay ang batang si Tikoy. Kami ay may maliit na tersina, sa t’wing umuutang ang kanyang ina kasakasama niya si Tikoy. Hanggang isang araw kumatok si Tikoy sa aming tersina at nang tinanong ko ang kanyang bibilhin, siya’y nagsabi “Ate, pautang po ng tatlong biskwit, babayaran ni nanay bukas.” Ako’y nagulat dahil sa murang edad na apat alam na niyang umutang. Pinautangan ko ang bata. Kinabukasan, napag-alaman ko na lamang na hindi pala binilin ng kanyang ina na umutang, ito’y sariling isip ng bata. Sa murang edad natuto na siyang magsinungaling at umutang. Ganyan ang kahihitnan naming kabataan kung ang mga lider na nakikita namin ay puro baluktot ang landas na tinatahak. Saan patutungo ang bayan kung magpapatuloy ang ganitong siklo? Nasaan ang karangalan ng mga taong nakabarong? Hanggang kailan ang pagkalugmok natin sa ganitong kalagayan?
Sinasabi nila na ang bansa ay nasa bagong kabanata? Ako’y naniniwala. Unti-unting bumabalik ang tiwala at kumpyansa ko sa pamahalaan. Sa akin ito magsisimula. Makikibalita at makikipanayam sa bawat isyu na haharapin ng bayan. Naniniwala ako sa plataporma ni PNoy, nawa’y patnubayan siya ng Poong Maykapal at sana’y makapag-isip-isip ang mga di karapat-dapat sa pwesto at silay magbitiw na. Malinawan
Hindi man siya ang aking ibinoto, nasa kanya na ang tiwala ko at ang pag-asang iahon muli ang bayang kong sinilangan. Kasiyahan nawa siya ng Diyos…agbiag ka PNoy!